Free Web Hosting | free host | Free Web Space | BlueHost Review

















HARRIS ALBERT GUEVARRA

Unang Pagtatalik

Pinapalis ng liwanag ang bagabag sa dibdib.
Hahayaan kong burahin ng malamig na hangin
ang aking pawis, tila mga tuldok
na nakakalat sa aking katawan.
Hindi ka pa bumabangon sa higaan.
Pinagdaramot mo ang iyong sulyap.
Kagabi ka pa ganiyan, kaagad tumalikod
at kunwari'y mahimbing nang natutulog.
Alam kong kinukumutan ka pa rin ngayon ng takot,
kinakapa ang mga pinaghubaran,
walang kaimik-imik katulad ng isang bulag
na nag-aapuhap ng mga tiyak na bagay.
Mahal, nais kong sabihin sa iyo
na wala kang dapat alalahanin.
Patutuyuin din ng mga araw ang pangamba.
Magkasama nating haharapin ang kaba.
Magpapatuloy tayo, magpapakasal,
magkakaanak. Ngunit hindi, mas mabuting
hindi ko muna ito isipin. Hayaan nating
maging tulad tayo ng mga manunuklas,
hindi pa malas ang mga bagong lupain
na sasakupin. Binuksan ko ang bintana.
Nakatindig ang mga puno sa gilid
ng kalsada. Nakapaskil ang ligaya
sa mga mukha ng mga batang sabik na
sa buong araw na laro't habulan.
Niyaya kitang saluhan ako sa pagtanaw.
Hindi nakasisilaw ang matingkad na araw.
Ang tanawin sa labas ay sadyang kay linaw.

Kay Rochelle












[BACK TO POETRY PAGE]

[Poetry][Prose][Photo][Art]
[HOME]


Malate Literary Folio Volume 20, Number 1, SY 2003-2004
All Rights Reserved.